Tila wala nang buhay si Honey. Manhid na ang binti niya sa sakit. Hindi niya na alintana ang kirot ng pilay na nagkulong sa kanya sa loob ng gusali. Maari pang tumakas si Bookworm, subalit hindi na niya makakaya pang ilabas ang kasintahan sa impyernong kinalalagyan nila. Hindi na makakawala pa si Honey sa pagkakaipit. Sapat na dahilan na ito upang hindi narin naisin ni Bookworm na makatakas.
- o 0 o -
Hindi napansin ni Bookworm na mabilis na pala ang pagpatak ng kanyang mga luha. Tuluyan na siyang sumuko sa kanyang takot. Ni katiting na pag-asa ay hindi na maaninag sa mata ng dalawa. Nais ni Bookworm na tulungan ang kanyang minamahal. Kung sana'y pwede niyang angkinin lahat ng sakit at takot na nararamdaman ng dalaga. Gusto niyang tulungan si Honey subalit wala siyang magawa. Napakasakit na katotohanan. Hindi niya kayang iligtas ang minamahal, at ang kahinaang ito'y sapat na upang isumpa niya ang sarili.
- o 0 o -
Hindi ito ang pinangarap nilang kwento. Nais pa nilang tumandang magkasama; maglakbay sa malalayong mga lugar; makipaglaro sa kanilang mga supling, at sabay na bantayan ang paglaki ng mga ito. Lahat ng salitang ibig nilang sabihin sa isa't-isa ay nasabi na nila. Kasabay ng pagguho ng kanilang tahanan ang pagguho ng kanilang mga binuong pangarap dito. Dahan-dahang bumagsak ang bubong. Ni konti ay hindi nilabanan ng dalawa ang halimaw. Handa na sila. Sa huling pagkakataon ay inipon ni Bookworm ang lahat ng kanyang natitirang lakas para yakapin si Honey. Paalam!
- o 0 o -
May tunog na biglang sumabog mula sa kung saan. Tunog ng kalayaan? Ewan. Tunog ng kaligtasan? Hindi nila alam. Nagising na lang si Bookworm sa loob ng ospital - ang mga puting dingding, tila langit sa paningin niya; ang tinig ng kaibigan niyang nagbabantay sa kanya, mala-anghel.
"Nasa kabilang kwarto si Honey."
Walang mapagsidlan ng galak si Bookworm. Huminga siya ng malalim. Noong bata pa siya'y, ayaw na ayaw niya ang amoy ng ospital, pero ngayon, wala itong kasing tamis para sa kanya. Kumikirot ang katawan niya, pero maligaya niyang nilasap ang bawat kirot. Nakakadama pa siya. Buhay pa siya.
- o 0 o -
Limang taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang masalimuot na sunog. Mula sa malayo ay maririnig ang malakas na tawanan nila Honey at Bookworm. Masaya nilang inaalagaan ang kanilang mabait at makulit na anak. Bakas parin sa katawan nina Bookworm at Honey ang mga peklat ng mapait nilang karanasan, ngunit patuloy na inaawit ng mga ito ang matamis na kwento ng kanilang pagmamahalan...
* * * * * * *
when theres's no one beside you
i'll be there to guide you...
catch you each time you fall....
when the stars won't shine anymore
i'll be there...
- ♥ -
No comments:
Post a Comment