Wednesday, October 8, 2008

Five Minutes to Midnight

October 8, 2008

Bago lang natapos ang whole day affair namin sa PE. Medyo cool sa simula kasi astig ang mga judges para sa mga activities namin. [Ehem. Sino na nga ba yun?]

Mapait ang kinalabasan ng competition pero hindi ko sasabihing mapait ang karanasang 'to. Siguro, gagamitin ko na lang na excuse ang katotohanang Physics major yung judge na taga La Salle at hindi PE. Pero salamat na rin sa mga nangyari, naalala ko ang sinabi ng teacher ko sa math nung high school - Life is a network of competitions. In every competition, you must do your best. If you win, it is your greatest glory, if you lose, nobody could blame you for not doing your best. Ewan kung tama ba yung pagkaka-alala ko, pero sa tingin ko, sapul ko naman ang message niya.

Ang totoo'y ang sama na ng pakiramdam ko. October 6 ng gabi, nag overnight practice kami, at talagang di ako natulog hanggang umaga. Di pa'ko nakabawi ng tulog ay nag overnight na naman kami kagabi. Two hours lang ang tulog ko kagabi kaya talagang matindi ang parusang binigay ko sa mga mata ko sa pagtatype ng post na to. Maanghang pa ang mga mata ko, pero di ko kayang palampasin ang araw na to na di naikukwento ang pagkatalo namin. Strike while the iron is hot ang motto ko sa pagsulat nito, at di ko hihintaying maging matabang na alaala na lamang ang araw na 'to. Siguro, ang pinaka hahanap-hanapin ko sa mga practice ay ang nabuong pagsasamahan at pagkakaintindihan. Medyo suplado ako at malamig sa pakikitungo ko sa kanila, pero ngayon, habang iniisip ko ang dalawang gabing nakasama ko sila, may di maipaliwanag na lungkot akong nararamdaman na para bang sinasabing may magandang relasyon kaming nabuo. Ang nakakainis na amoy ng sigarilyo nila, ang ingay nila, ang mga jokes nilang di ko masakyan, ang sahig na lumagkit dahil sa mga pawis nilang tulo ng tulo, ang nakaka-badtrip nilang pakikialam, ang napakaginaw na gabi, ang pagod, ang malilibog na bakla... nakaka-pikon na mga alaala pero ewan ba't parang gusto ko sila balikan, kahit minsan lang, para magpaalam.

First time kong mag perform sa harap ng ganun kadaming tao - well, di ako exposed, at lalong di ako mahilig iexpose ang sarili ko (nagkataon lang talagang dito nakasalalay ang grade ko para sa finals kaya napilitan akong sumali). Overwhelming ang presence nila nung una, pero madali ko lang nalabanan. Nung prinesent na namin ang aerobics na pinagpuyatan namin ng dalawang araw, biglang naglaho ang mga tao. Kelangan manalo. Kelangan ko ang flat one. Kelangan kong bigyang katuturan ang dalawang overnights at ang 45 pesos na nagastos ko para sa inupahang kwarto. Kelangang bigyan ng trophy ang dalawang gabing pinagsamahan namin - at ang tanging trophy na naisip kong pwede iregalo dito ay ang pagkapanalo dito; ang picture namin na nakangiti dahil sa matamis naming pagkapanalo. Narinig kong humiyaw ang audience sa ginawa naming pagpapa-ulan ng glitters sa buong lugar - ideyang tanging kami lang ang nakaisip. Napakaganda ng exercise namin. Never been this good, naisip ko. Sabay talaga, at ang hiyawan ng mga audience ang ebidensyang hindi boring ang presentation namin.

Nagsimulang nasira ang loob namin nung biglang maputol ang music sa kalagitnaan ng exercise. Langya, parang sinabotahe kami. Pinagpatuloy namin ang exercise, pero bigla akong dinalaw ng di maintindihang kaba at pagkatakot. Ginala ng mga puyat kong mata ang gym. Nakatingin ang mga tao. Anong iniisip nila? Pambihirang buhay. Pinagtatawanan kaya nila kami dahil sumasayaw kami kahit walang tugtog? Mayamaya'y, nahuli ng tingin ko ang leader namin - nabakas ko sa kanya ang kaba't takot na nararamdaman ko. Nanginginig pa ang tuhod ko ng mga panahong iyon - puyat, pagod sa dalawang overnight practice, almusal na parang snack lang, at tiyang hindi pa nalalagyan ng laman sa oras na 2:30 - ouch. Di ko na ata kaya. Gusto ko nang umiyak ng mga panahong iyon, pero naisip kong bata lang ang umiiyak sa ganoong sitwasyon. Patuloy kaming nag-march nang biglang isa-isang nag-alisan ang mga kagrupo ko. Dahan-dahang nabakante ang stage. Parang gusto kong sabihing "pare 'wag muna! Kaya pa 'to!" pero di ko nagawa. Tumigil sa paggalaw ang mga binti ko. Napansin ko ang matindi kong pag-hingal. Malabo ang mga sumunod na eksena, at nahimasmasan lang ako nung nandun na kami sa mga upuan namin. Basa kami sa pawis, marami ang nagmumura, marami ang nagrereklamo, at makikita talaga ang panghininayang sa mga mukha. Langya, nawalan ng kwenta lahat ng pinaghirapan namin.

Dumating ang oras ng awarding, at dun ko lubos na nalasap ang pait ng aming pagkatalo; ang pagkabasura ng aming mga pawis, lakas, at pagsisikap; ang pakiramdam ng isang talunan. Masakit, pero masarap. Naalala ko ang winika ng teacher ko dati. Narealize kong masakit man ay di naman pala siya kasumpa-sumpa. First time kong magpawis ng ganun, magpagod ng ganun, magpuyat ng ganun, at magsikap ng ganun. Tama si teacher - mas maganda ang matalo ng lumalaban. Talo nga, pero parang panalo na rin. Kung natulog lang kami ng mahimbing sa nagdaang dalawang araw, hindi magiging ganito kaganda ang pakiramdam ng pagkatalo. Talo nga sa laban, pero sa preparation pa lang ng laban, satisfied na'ko.

Masakit na mga mata ko. Kanina ko pa gusto bumagsak at macomatose para makapagpahinga ng todo-todo.



Requiescat In Pace!

BWAHAHAHA!!!

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
P.S.

bago ko makalimutan...kahit busy ako ngayong araw na 'to, di ko nakalimutan ang aking supporter na di ako kailanman iniwan...di dapat balewalain ang mga simpleng "good luck", "God bless", at "galingan mo" they mean a lot=]